Ang Unang Guro ni Jose Rizal
Si Teodora Alonso ay ipinanganak sa Maynila noong Nobyembre 9, 1827 sa mag-asawang Roberto Alonso at Brigida de Quintos.
Teodora Alonso photo credits to: www.etravelpilipinas.com |
Sa kabila na namayani ang mga uring Kastila noong kanyang panahon, marami sa mga Filipino ang naghangad na makatapos ng pag-aaral at kabilang si Teodora sa mga kababaihang pinahahalagahan ang karunungan. Nakapagtapos siya ng pag-aaral sa Kolehiyo de Santa Rosa.
Noong Hunyo 28, 1848, ikinasal siya kay Francisco Mercado ng Binan, Laguna. Binayayaan sila ng anim na babae at dalawang anak na lalaki. Istrikto at mapagmahal na ina si Teodora. Lahat ng kanyang anak ay hinubog niyang maging marangal at may pagmamahal sa bayan. Bilang isang maybahay, malaki ang naging tulong ni Teodora na mapaunlad ang kabuhayan nilang mag-asawa.
Malaki ang ginampanan niyang tungkulin sa maagang pagkatuto at pagkasigasig ni Rizal sa pag-aaral. Siya ang naging unang guro nito sa pagbasa. Tinuran din niya itong maging malapit sa Diyos sa pamamagitan ng pasaulo ng dasal lalong-lalo na ang pagrorosaryo.
Katulad ng anak niyang si Rizal, mahaba ang dinanas niyang pahirap mula sa mga Kastila. Noong 1871, ikinulong siya sa piitan ng Santa Cruz sa akusang pagpatay na kanyang pinagdusahan sa piitan sa loob ng dalawang taon. Hindi lamang ito ang naging habla sa kanya, maging ang pagnanakaw, paghamak sa korte, pagmamalupit sa mga tao sa kanilang lupain na pawang gawa-gawa ng mga naiinggit at may mga galit sa kanilang pamilya. Ngunit, isa-isa itong napawalang bisa sa hukuman. Tuluyan siyang napalaya sa kulungan nang makipagsayaw ang kanyang bunsong anak na babae sa Gobernador Heneral na nabighani nito.
Taong 1891, sa edad na 64 hinuli siya sa dahilang hindi paggamit ng totoo niyang apelyidong Realonda. Kahit matanda na, muli siyang dinala at ikinulong sa kapitolyo ng Santa Cruz.
Sa panahong ito ay unti-unting lumalabo ang paningin ni Teodora. Sinuri ito ng kanyang anak na si Rizal at pagkaraan ay isinagawa ang operasyon. Ang muling paglinaw ng kanyang mga mata ang nagpadilim naman sa buhay ni Rizal sa mga kamay ng Kastila.
Ang kamatayan at kabayanihan ni Rizal ay nagpahirap sa kanyang kalooban ngunit kailanman ay hindi niya ito ipinaghihinakit. Noong panahon ng mga Amerikano, inalok nila siyang bigyan ng buwanang pensyon subalit kanya itong tinanggihan. Namatay siya noong Agosto 23, 1911.
Source: Tanglaw Educational Materials, Simon Damaso and Cydrik Lopez
No comments:
Post a Comment