Sadyang napakahirap talagang mabuhay sa mundo. Maraming pagsubok at kasawian ang iyong dadaanan. Samakatuwid, masasabi nating mas nangingibabaw ang kalungkutan kaysa kaligayahan sa bawat kabanatang nilalakbay ng tao sa kanyang buhay. Ito’y sadyang totoo sa ating lahat. Ngunit, bakit ganoon “ka-ironic” ang ating buhay? Nilikha tayo ng Diyos upang malalasap natin ang kagandahan ng kalikasan at maging masaya. Bakit kailangan pa nating dumaan ng isang masakit na pagsubok nang mayroon namang madaling paraan na makamit ang isang kaligayahan? Ang sagot ng mga tanong na ito ay simple lamang: ganyan ang katotohanan-- nilikha ng Diyos ang mga pagsubok upang magkaroon tayo ng malalim na pananaw tungkol sa buhay. Ang isang kaligayahan na gawa ng isang madaling paraan ay pansamantala lamang; ang tunay na kaligayahan ay walang katapusan na kung saan makakamit lamang ito sa mahaba at mahirap na paraan. Sa gayon, ang tunay na kaligayahan ay ang pagkilala sa mga paghihirap at pagsasakit sa buhay at ang pagtanggap sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay patuloy kong nilalakbay ang mga katotohanang nangyayari sa aking buhay; patuloy kong inuunawa ang aking mga kamalian at ang paglaan ng mga kaukulang solusyon sa mga ito. Kasabay ng pag-unlad ng aking pagkatao ay ang unti-unti kong pagtanggap sa katotohanan na ako ay isang nilalang na itinadhanang magkakaroon ng mga kasawian at kamalian sa buhay. Masakit talagang tanggapin ang realidad na ito; subalit kailangan natin itong tanggapin sapagakat ito ang maglalaan sa ating inaasam-asam na tagumpay. Sa gayon, ito ang isa sa mga pinakamagandang natunan ko sa aking sariling kakulangan sa buhay. Samakatuwid, malaki ang pasasalamat ko sa Panginoon sapagkat siya ang nagbigay sa akin ng karunungan sa pamamagitan ng kanyang mga Salita; at sa mga taong naging aking “mentor” at iniidolo.
Isang karanasan ko sa buhay na maituturing kong isa sa mga pinakagrabe na talagang nagpabago sa pananaw ko sa buhay ay nangyari noong unang hatintaon nang ako ay nasa ikalawang baitang ng kolehiyo. Isa sa mga kinuha kong asignatura sa taong iyon ay ang BM o Business Machines. Talagang napakaestrikto ng guro namin noon. Mahigpit siyang makikitungo sa mga panuto tuwing mayroong major exams. Nangyari ang hindi ko inaasahan nang Midterm Period na-- hindi ko sinadyang labagin ang isa sa kanyang mga panuto. Sa gayon, talagang pinatawan niya ng zero ang aking iskor. Sa unang pagkakataon ay hindi ko malaman kung ano ang gagawin. Nagmakaawa ako sa kanya ngunit lalo lang niya akong pinagalitan at pinahiya. Hindi talaga siya pumayag. Naawa sa akin ang aking mga kaibigan na nagkataong mga kaklase ko rin. They lean on me as a friend pero gusto ko munang mapag-isa. Lumakad ako ng mabilis palabas ng eskwelahan. Patuloy akong naglakad na walang kaalam-alam kung saan patungo hanggang dumating ako sa simbahan ng Mt. Carmel na hindi ko alam. Luminaw ang aking ulirat at napaluhod ako sa harap ng altar. Iniyuko ko ang aking ulo at maimtim na nagdasal kung gayon bigla nalang tumulo ang aking mga luha. Umiyak ako sa harap ng Panginoon at bumulong: bakit ganito Panginoon? Nagnilay-nilay ako sa mga natitirang sandali. Pagkatapos ay binuksan ko ang aking mga mata at naramdaman ko ang isang kaginhawaan. Isang pakiramdam na parang mayroon kang isang napakahalagang kaibigan na palaging nasa tabi mo na nagbibigay kaginhawaan sa iyong kalooban.
Pagkatapos ay bumalik ako sa paaralan; dala-dala ko ang mga namamaga kong mga mata. Tinanong ako ng aking kaibigan kung okay na ba ako at sinabi ko namang oo. Nanumbalik ang aking lakas ng loob pero hindi ko pa ring mapigilang mapaisip sa nangyari sapagkat nababagabag ako sa kahihinatnan ng aking grado sa naturang asignatura. Naapektuhan ang iba kong mga subjects dahil sa aking pagkabalisa. Pilit kong huwag isipin iyon ngunit hindi ko magawa. Gusto kong maging malaya sa sakit na aking nararamdaman; puyat na puyat ako noon at unti-unting mayroong umusbong na takot sa aking damdamin na hindi ko maiintindihan.
Patuloy kong nilabanan ang kalungkutan na iyon. Naghanap ako ng isang bagay na magbibigay liwanag sa aking isipan. I take courage and persevered na malalampasan ko ito. I motivated myself eventhough myself didn’t motivate me. Pilit kong iniisip na mayroon talagang hangganan ang kalungkutang ito. Palagi akong nakipag-usap sa Panginoon sa pamamagitan ng mataimtim na pagdadasal. Isanasaisip ko ang mga magagandang aral na napulot ko sa mga sermon ng pari. Nagbasa ako ng mga magagandang libro na siya ring nagbigay sa akin ng lakas na loob na baguhin ang aking paniniwala tungkol sa katotohanan. Patuloy akong naghanap ng mga epektibong paraan hanggang sa maliwanagan ang aking pag-iisip. Dahil sa matinding pagsubok na iyon, naiangat ang aking pagkatao sa mataas na lebel.
Masasabi kong talagang napakaganda ng buhay-- puno ng pagsubok at kasawian ngunit sa kabila ay ang isang hindi matatawarang kaligayahan. Sabi ni John Maxwell (isa sa mga pinakapaborito kong awtor), ang mga taong palaging napapaharap sa mga masasakit na kasawian sa buhay at patuloy na nakikipagsapalaran sa mga ito ay nagkakaroon ng malaking posibilidad na magiging matagumpay sa kanilang mga adhikain kumpara ng mga taong palaging iniiwasan ang kanilang mga kamalian. Samakatuwid, hindi natin maiangat ang ating pagkatao sa mataas na lebel kung wala ang mga pagsubok na ito. Idinagdag pa nga niya: “Failures are the price we pay to obtain success.” Kung napapaharap ka sa isang matinding pagsubok na pakiramdam mo hindi mo kakayaning labanan, well tanggapin mo iyon sapagkat nandiyan na ang pagkakataon mong umunlad at iaangat ang iyong pagkatao.
All Rights Reserved by Frances O. Ponce
No comments:
Post a Comment