Monday, June 6, 2011

Panitikang Pinoy: Alpha at Omega

Photo owned by www.esciencelog.com

ni Orlando C. Rodriguez


ang ating daigdig ay nagtutulakan
habang ang liwanag
at saka ang dilim ay nag-iikutan;
hindi mo mayapos ang aking liwayway,
hindi ko mayakap
kahit na ang buntot ng iyong karimlan.

ako ay tulog pa kung ikaw’y magising,
kung magbangon naman
ang aking umaga ikaw’y nahihimbing;
hindi ko mahagkan ang pangit mong dilim,
natatakot ikaw
na madampulayan ng aking luningning.

ang kanitang palad ay lubhang baligho---
tila puno’t dulo
ng isang hiwagang hindi magkatagpo;
magkalapit tayo nguni’t magkalayo---
ang iyong anino
sa aking liwanag ay di magkaanyo!

hindi magkasugpong ang kanilang landas,
gayong kasunod lang
ng takipsilim ko ang iyon magdamag.
(kurus ang hawak ko, ang tangan mo’y tabak
sa pag-aagawan
sa isang daigdig na saklot ng sindak!)

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...