Nagpapakilala: Ako ay si Atlag,
ang pasan-pasan ko’y ang mundong mabigat;
ang mga litid ko ay banat na banat
at ang kalamnan ko ay sakdal ng tigas.
Noong una, ako’y naroon sa linang,
kasa-kasama ko’y ang aking kalabaw;
sa magha-maghapon --- aking binubungkal
ang basal na lupang dati ay tiwangwang.
Noong minsan naman, hawak ko’y asarol,
aking tinitibag ang bundok at burol;
ang mina ng ginto’y aking kinukulkol,
ang yaman ng bansa’y siyang tinitimbon.
May isang panahong nagpanday rin ako,
ang bakal sa bakal ang ibinabayo;
habang natilamsik ang apoy sa hurno,
kumikitid naman itong buong mundo.
Tao lamang akong nilikha ng Diyos,
kinakain: gulay, bungangkahoy, itlog;
ang iniinom ko ay tubig ng niyog,
kaya’t akong ito ay ubod ng lusog.
Sa araw: paggawa... sa gabi: pahinga...
ganyan ang buhay kong manigo’t Masaya;
katawan: malakas; isipan: masigla;
kaya malusog din pati kaluluwa.
Sa mga ugat ko ang masasalamin,
talaytay ng dugong sagansanan mandin;
kaya’t ang kilos ko’y maliksi’t masiging,
ang balintataw ko: may kislap! may ningning!
Bisig ko ay maso, pandayan ang dibdib,
buto ko’y matibay, laman ko ay siksik;
ako ang sa mundo’y siyang nagtitindig,
ang tawag sa akin --- Ginoong Daigdig!
No comments:
Post a Comment