Tuesday, June 7, 2011

Panitikang Pinoy: Ang Hayop na Iyon


Sanaysay ni Francisco D. Abalos

Nagising ako sa mahimbing na pagkakatulog, isang tanghaling ako’y nagpapahinga, nang maramdaman kong may sumigid sa likod ng tainga kong kanan. Ang sigid na iyon na makalawang inulit ay totoong matindi. Sa una’y pumihit lamang ako sa pagkakahiga at nagtangkang ipagpatuloy ang aking pagtulog. Nguni’t sa ikalawa’y hindi na ako nakatiis. Idinilat ang namimigat na talukap ng aking mga mata na di pa nasisiyahan sa mahabang pagkakapikit, at ako’y nakiramdam.

Ang sigid ay naramdaman kong muli na lalong masidhi kaysa una na aking ikinapangawi nang bahagya. Mabilis na kumilos ang namamanhid kong kanang kamay at kinapa sa likod ng aking tainga ang nanigid na iyon. Sa kabutihang-palad ay natuunan ng daliri kong panggitna, at pinagtulungang kunin ng aking hinlalaki at hintuturo; saka siniyasat ng nangungutitap kong paningin. Isang munting kulisap na pula ang aking namasdan.

Ang munting kulisap na iyon ay kasinlaki ng malaking butil ng palay, at binubuo ng tatlong pangunahing bahagi. Ang una’y bilog na bilog at siyang pinakamalaki sa tatlo; ang ikalawa na siyang katawan ay haba, payat, at siyang pinakamaliit na bahagi naman; at ang hulihan ay hugis-puso at halos kasinlaki rin ng una.

Ang una, na siyang ulo ay walang tigil sa kagagalaw. Ang dalawang tila pangil na siyang pinaka-bibig ay tumitikom-bumuka, at nagpapakilalang ang munting kulisap na iyon ay galit. Ang dalawang tila balbas na marahil ay siyang pang-amoy o pandamdam, ay wala ring tigil at nagpapahiwatig na siya’y nag-iisip ng paraang makawala sa aking mga daliri. Ang hulihang hugis-puso ay nakaugnay sa katawan sa pamamagitan ng baywang na manipis pa kaysa kanyang liig. Nakapagtatakang ang munting kulisap na iyon ay nakakaya ng kaniyang anim na pang maliliit pa kaysa pinakamaliit na balahibo ng aking ilong. Ang kulisap na iyo’y siyang malimit maminsala sa akin; namumugad sa aking mga damit at aklat; namamahay sa suluk-sulok ng aking tahanan. Siya ang kulisap na nanigid sa likod ng aking tainga. Pinagmasdan ko muna siya sa kanyang pagpupumiglas. Pagkatapos...


“Walang-hiya ka, ha,”-- ang paungol kong wika. “Wala kang pinatatawad na lugar; walang kinaaalang-alanganan kahit sino; walang pinipiling panahon. Pati katahimikan ng isang taong nahihimbing sa kaniyang pagtulog ay iyong ginagambala. Pangahas at walang takot. Sa iyong kapangahasan ay naputol tuloy ang aking panaginip sa bahagi pa namang kapana-panabik at nakasisiya. Saan ko pa hahabulin ang panaginip na iyon? Mabuti kung iyo’y magbalik pang muli! Dahil sa ginawa mong iya’y dudurugin kita!”


Ang hinlalaki ko at hintuturo’y dahan-dahang kumilos at unti-unting inipit ang hugis-pusong hulihan ng kulisap na iyon. Nguni’t sa labis kong panggigilalas ay nakarinig ako ng isang maliit na tinig na humahadlang sa akin.

“Hintay muna,” anya. “Hintay muna, Mang Kuwan!”

Natigilan ako at lumingap sa loob ng aking silid. Nguni’t wala akong nakitang sinuman. Ako’y nag-iisa. Ipinikit ko ang aking mga mata upang matiyak na ako’y hindi na nangangarap. Saka muling binalingan ang munting hayop na pula, at unti-unting pinisil ang hugis-pusong hulihan. Nguni’t....

“Mang Kuwan, magnilay ka sandali,” muli kong narinig na tila sumasamo. “Isa sa inyong kautusan ang nagsasabing, huwag kang papatay!”

Ako’y lalong nanggilalas. Sino ang nagsasalita sa akin at nagpapagunita ng isa sa ating mga batas? Ang munting kulisap na pula bang ito na aking hawak? Hindi kinukusa’y aking naitanong: “Sino ka ba?”

“Ako? AKO! ang Langgam!” --- ang narinig kong tugon. Tila hindi ako makapaniwala. Ang namimigat na talukap ng aking mga mata ay pinilit kong idilat pa nang kaunti. Nalalaman kong hindi na ako tulog. Gising na gising ang aking diwa. Nauulinigan kong mabuti ang sinasabi ng Langgam.

“Tumututol ako sa karahasan ng iyong pasiya,” --- ang kaniyang wika.

“Tumututol ka at bakit? --- di ko napigilang sagot

“Sapagka’t wala sa katarungan!”

Kaunti na akong matawa. Diyata’t wala sa katarungan ang aking gagawin? At ang nagsasabi’y ito --- ang munting kulisap na ito --- ang Langgam, pagkatapos na ako’y gambalain niya sa aking pananahimik? Siya ang humihingi ng katarungan gayong siya ang mapaminsala. Gayunpaman...

“Hindi ba katarungang durugin kita sapagka’t sinigid mo ako at ginambala sa aking pagtulog?”

“Isipin mo, Mang Kuwan, ang iyong itinatanong, at ikaw na rin ang makasasagot. Katarungan nga bang durugin mo ako, at putihin ang aking buhay dahil lamang sa nakagat ko ang iyong tainga sapagka’t napagkamalan kong isang lapay na laman na maaari kong unti-unting itago upang ikabuhay namin? Katarungan ba ang tawag mo roon?”

“Bakit hindi’y nasaktan ako at nabulahaw sa aking pananahimik?”

“Kung ang pananakit at pambubulahaw ay sapat nang dahilan at nagbibigay-katarungan sa sinuman upang durugin ang nakagawa niyon... kami’y may katwiran din kung gayon na kayong mga Tao ay aming pupugin sapagka’t malimit na kami’y inyong binubulahaw sa aming pananahimik.”

“Ano?” pataka kong tugon. “Kailan kita binulahaw sa iyong pananahimik?”

“A, Mang Kuwan, malilimutin ka rin palang gaya ng iyong kapuwa. Nalimutan mong sa aming bahay ay malimit mong bulabugin kami. Kung minsan, sa mga sandali ng aming pamamahinga ay pinupukpok mo, o sinusundot kaya, ang aming tahanan. Kung minsan ay binubusan mo ng tubig o gaas, hanggang sa kami’y maglabasan. Kung kami’y tumatakas sa gayong kalupitan ninyong mga tao, kami’y sinisilaban sa layong mangatupok na lahat.”

Nag-isip-isip ako sandali. Nagunita kong tila nga totoo ang lahat ng kanyang sinabi. Ako at ang iba pang katulad ko ay di-miminsang gumugol ng mahahabang sandali upang sila’y lipulin sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan. Ito ang kaniyang isinusumbat sa akin.

“Ano ang kasalanan namin upang kami’y bulabugin at lipulin ninyo?” narinig kong tanong ng langgam nang mapunang ako ay nag-iisip. Sa tanong na iyon ay dalawang bagay ang naalaala ko at siyang naisagot.

“Mangyari’y mga trespasser kayo! Hindi lamang trespaser kundi mga iskuwater pa!”

“Trespaser? Iskuwater? Anong mga salita iyon, Mang Kuwan?”

“Ang trespaser at iskuwater ay galing sa mga salitang Ingles,” ang tugon ko. “Ang kahulugan ng trespaser ay iyong pumapasok o dumaraan sa bakuran o looban ng iba upang maminsala. Ang iskuwater naman ay iyong tumatahan sa lupa o sa pag-aari ng sinuman nang walang pahintulot nila.”

“A ganoon!” ang tugon ng langgam. “Akala ko’y... nguni’t paanong kami--- kaming mga langgam --- ay naging mga trespaser at iskuwater?”

“Aba! Hindi ba’t kayo’y namamahay sa aming mga bahay at lupa nang walang pahintulot, at inyong sinisira ang aming mga pag-aari?”

“Aling lupa, Mang Kuwan, ang sinasabi mong inyo na aming pinamamahayan nang walang pahintulot at sinisira?” ang usig ng langgam.

“Ang lupang kinatatayuan ng aming mga bahay, alin pa?”

“Inyo bang mga lupa iyon, Mang Kuwan? Isipin mo ngang mabuti.”

“At bakit hindi? Iyon ay binili namin sa iba, o kaya’y inuupahan namin sa may-ari. Kaya may karapatan kaming magtayo roon ng aming tahanan.”

“Kung gayon, Mang Kuwan, ay kayo at hindi kami ang mga trespaser at iskuwater. Kayo na nagbibili, o nangungupahan at nagpapaupa.”

“Ano ‘kamo? Kami ang trespaser at iskuwater?” takang-taka ako.

“Oo, Mang Kuwan, kayo!” ang sagot na idiniin pa ng kausap kong Langgam.

“Diyata? At bakit?” Nagpipigil ako.

“Sapagka’t hindi inyo ang mga lupang iyon!” aniya. “Sa mula’t mula pa’y kami na ang naninirahan doon. Wala pa ang sinuman sa inyo ay naroon na kami at payapang namamahay at namumuhay. Sa mga sariwang punungkahoy, at mga halaman ay kami ang nag-aalaga at nag-iingat; at ang matatamis nilang bunga’y siya naming pagkain. Nguni’t nagsirating kayo, at inyong pinaghati-hatian ang aming lupa, binakuran at nagsipagpatayo ng inyong bahay. Walang sinuman sa inyo na nakaisip na humingi ng pahintulot sa amin --- sa Langgam na siyang naunang nanirahan doon at may katwirang mag-ari niyon. Gayunma’y hindi kami kumibo. Hindi kami tumutol man lamang. Pinabayaan namin kayo. Kaming tunay na may-ari ang naghakot at humanap ng dakong malilipatan sa aming sariling lupa na inyong binakuran at inangkin; at sa madilim na sulok ng inyong silong, sa ilalim ng lupa, ay lumipat kami at namahay. Ang aming mga punungkahoy at mga halaman ay inyong kinuha. Ang iba’y pinutol ninyo at binunot upang igatong. Ang matamis na bunga ng ibang nalabi ay inyong sinarili. Kami’y nangagtiis pa rin, at sa ilang mumong nalalaglag sa inyong mga pinggan ay nasisiyahan na kaming mamulot. Nguni’t pati iyon ay inyong ipinagkakait sa amin. Kapag nakikita ninyong kami’y nagyayao’t dito at nagtitipon ng inyong itinatapon ay inuusig at pinagtatangkaang lipulin. Nahan diyan ang katarungang inyong sinasabi? Kinuha na ninyo ang lahat, pati ba naman ang labis sa inyo at hindi na ninyo kailangan ay ayaw pa ninyong ika-buhay namin? Nahan ang inyong utang na loob? Pagkatapos na kayo’y makinabang sa amin ay paninira pa ang inyong iginaganti? Ganyan bang talaga ang likas ng Tao?”

Hindi ako nakakibo. May katwiran kaya ang langgam na iyon? Nagunita ko ang maraming pangyayaring gaya noon na nagaganap sa Tao. Gayunman, sa hangad kong makapagsanggalang sa sumbat na iyon, sapagka’t ganitong talaga ang ugali ng Tao--- takpan ng pangangatwiran ang kanyang pagkakamali at itago ang kaniyang kahihiyan sa buntong ng mga pagdadahilan --- ay sumagot ako:

“Nguni’t kinagat mo ako, hindi ba? Iyan ang ikinagalit ko sa iyo.”

“Tingnan mo, Mang Kuwan. Nakagat lang kita dahil sa pagkakamali at ibig mo na akong papagbayarin ng buhay. Ugaling Tao ka nga! Sa di sinasadya at walang kabagay-bagay na dahilan ay nag-iisip agad nang hindi mabuti sa kaniyang kapuwa! Gayunman ay kasalanan ko ba iyon? Na, makagat kita?”

“At sino ang may kasalanan? Ako?”


“E, sino pa nga ba kundi ikaw? Anong malay ko na iyo’y tainga mo? Bakit hindi mo nilagyan ng paskil na iyon ay tainga’t bawal ang lumapit doon? Hindi ba gayon ang ugali ninyo --- maglagay ng babalang bawal ang gayo’t ganito bagaman kayo na rin ang unang-unang lumalabag sa inyong ipinagbabawal? Nang mapagkamalan kong kagatin, sa kawalan mo ng ingat sa pagpaparaan ng gintong sandali, ay ano’t ako ang iyong sisisihin?”

“Hindi mo ba nalalamang hindi iyo ang pook na ito?” ang aking ganti. “Wala kang karapatang mapasa-loob ng aking pamamahay at gumala-gala rito.”

“Huwag mo ‘kong sisihin, Mang Kuwan,” ang kanyang pakli. “Hindi ko ibig at lalong di ko kasalanang mapasaloob ng iyong bahay. Mula nang kayo’y manirahan sa dakong ito ay wala nang nalabi sa amin kundi ang tabing-dagat. Ikaw man ay hindi rin titira sa tabing-dagat na laging pinaglalaruan ng alon. Kaya inisip naming umakyat sa puno ng niyog na katabi ninyo. Nguni’t isang araw, sa kung anong dahilan, ay naisip mong ipabakbak ang mga balaba ng niyog sa isa mong kapitbahay. Umakyat naman ito at sinikaran ang balaba at kami’y kasamang tumapon. Ang pangkat nami’y bumagsak sa iyong bintana, sa kanal ng iyong pasamano. Kasalanan ba naming ang pagkakaparoon? O kasalanan mo? Kinabukasa’y naglinis ka at kami’y iyong itinaboy. Lumipat kami sa siwang ng iyong gililan, nguni’t muli kaming pinaalis kaya wala kaming malamang gawin. Kinailangang humanap kami ng malilipatan, at sa paghahanap ko nga’y nakarating ako sa iyong tainga na napagkamalan kong isang lapay ng laman. Sinamantala ko ang pagkakataon. Alin diyan ang masama?”

Hindi rin ako nakakibo. Ang langgam na iyon ay tila may katwiran. Gayunman, sa atas ng kaakuhan ng Tao na taglay ng bawa’t isa ay ayokong padaig sa munting kulisap na pulang iyon. Kaya ako’y nagpilit ding sumagot.

“Kaming tao ay nilikhang panginoon ng lupa,” ang wika ko. “Ang pagkukulang mo ay kasalanang hindi malalampas nang walang parusa.”

“Kung gayon ay wala na akong magagawa,” ang mahinahong sagot ng Langgam. “Kung kayu-kayong tao’y ayaw magbigayan, nagsasakmalan, nagpapatayan, at naglilipulan nang walang mahalagang dahilan liban sa makapaghari sa iba, ako pa nga ba, o kami --- mga Langgam--- ang di ninyo durugin? Ipinangangahas mong ikaw ay malaki at malakas, at ako’y maliit, ano ang aking magagawa? Ngunit sinasabi ko sa iyo, Mang Kuwan, na kahit mo ako durugin ay hindi mo malilipol ang aming lahi. Maliliit man kami, walang lakas, at apihin, ay mangangagat din kapag kami o ang aming karapatan ay yuyurakan ninyo. Darating ang araw na kayo’y papalitan namin sa lupa. Isagawa mo na ang iyong binabalak. Nakahanda na akong mamatay.”

Muli kong itinikom ang aking hinlalaki at hintuturo sa hugis-pusong hulihan ng kulisap na iyon. Hindi siya kumibo; itinungo ang ulo na wari ay nagdarasal. Nguni’t walang anu-ano’y muling iniangat at tila nangangapos ang hiningang nagsalita.

“Mang Kuwan,” anya. “Mang Ku...wan...may alupihang... lumalapit sa iyo!”

“Ha? Ano ‘kamo?” ang natigilan kong tanong.

“Isang...alupihan...ang lumapit...sa iyo...” ang mahinang tugon.

Sa katagang alupihan ay napabangon ako. Lumuwag ang aking pagkakahawak sa kaniya. Ibig ko na ang kagat ng sampung langgam kaysa ng alupihan, sapagka’t nakagat na akong minsan nitong huli at ako’y nilagnat nang dalawang araw. Ayoko nang maulit pa iyon. Ako’y pumihit at kinilabutan sa aking nakita, na kasinlapad halos ng aking hinlalaki at humigit-kumulang sa isang dangkal ang haba. Nabitawan ko ang langgam sa pagkuha ko ng sinelas na ipandudurog sa ulo ng kinatatakutan kong kulisap. Pagkatapos, nang pagbalikan ko ang langgam, ay para pang nagpapasyal ito sa ibabaw ng aking unan.

“Salamat,” ang wika ko sa kaniya. “Isport ka rin naman. Nguni’t bakit hindi ka pa tumakas? Bakit hindi mo sinamantala ang iyong kalayaan?”

“Mang Kuwan,” anya, “sa amin ay maraming bagay na dapat na matutuhan ang Tao. Mga bagay at katotohanang hindi Makita sa inyo. Nguni’t saka ko na sasabihin sa iyo, sa ibang araw, pagkikita nating muli.”

Itinaas ng Langgam ang kaniyang ulo, at para pang nagmamalaking umalis. Hindi ko na siya pinansin. Ipinagwalang-bahala ko ang mga kilos at huling pangungusap ng kulisap na iyon. Nahiga akong muli at ipinagpatuloy ang aking pagtulog na umaasam sa isang bagong panaginip na lalong maganda.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...