Isang araw habang nagbubungkal ng lupa si Kuba Karitong ay hindi niya sinadyang natamaan ang paa ng isang landlord na siyang namamahala sa lupang kanyang sinasaka. Nag-aapoy ang mga mata nito sa galit at sinipa siya ng buong lakas. Pinaggugulpi at pinagsusuntok siya hanggang siya ay naging duguan at napuno ng pasa sa mga katawan. Kahit sobra na ang parusang natanggap ni Kuba ay ipinakulong pa rin ito ng landlord. Ikinulong siya sa isang napakadilim at napakabahong silid kung saan hindi siya pinakain ng isang linggo. Mahinang-mahina na si Kuba at siya'y talagang kaawa-awa. Nagmuni-muni siya sa kanyang sarili kung bakit siya ay isinilang na alipin at mahirap. Hindi na siya makatayo dahil wala nang lakas ang kanyang katawan bukod sa puno ito ng mga sugat at pasa dulot sa parusang kanyang natanggap.
Nakatulog si Kuba ng ilang oras hanggang may isang napakaliwanag na bagay ang lumitaw sa gitna ng kadiliman ng silid. Nasindak siya dahil ang nakita niya ay isang napakabanal na uri ng nilalang. Ang mukha nito ay parang liwanag na nagbibigay pag-asa sa mga taong nahaharap sa kasawian sa buhay. Nagpakilala ang kakaibang nilalang na siya ang Panginoon ng Araw. Gulat na gulat talaga si Kuba. "Huwag kang matakot minamahal kong anak. Narito ako upang ikaw ay tulungan. Bibigyan kita ng napakaraming kayamanan na wala ni isang nilalang sa mundong ito ang makakaangkin," sabi ng Panginoon.
Nag-iba ang paligid at bigla nalang lumitaw ang napakagandang paraiso kung saan mayroong isang malaking palasyo na punong-puno ng ginto at kayamanan. Sindak na sindak si Kuba sa kanyang nakita; at dahil dito ay nanumbalik ang lakas ng kanyang katawan. Magkahalong emosyon ng pagkagulat at saya ang kanyang nararamdaman. Masaya siya sapagkat hindi na siya maghihirap at maging alipin pa. Ngunit siya rin ay natakot at nangangamba at hindi alam kung ano ang gagawin sa mga ginto.
"Huwag mong gamitin ang kayamanang ito sa kasamaan. Tandaan mo na kapag nilabag mo ang aking utos ay paparusahan kita at talagang ikaw'y magsisisi. Kaya huwag mong kalimutan na maging mapagkaloob ka sa iba sapagkat hindi mo pag-aari ang mga kayamanang ito," paalala ng Panginoon. Hindi umimik si Kuba dahil gulat na gulat pa rin ito.
"Sige na, kunin mo na ang mga ginto at huwag mong ipagsasabi sa mga tao ang iyong nakita. Magsimula ka ng bagong buhay at huwag mong kalimutang tulungan ang iyong mga kapwa na naghihirap rin," utos ng Panginoon.
"Maraming salamat Mahal Kong Panginoon," sagot naman ni Kuba na parang hindi makasagot sa tamang salita.
Naglaho ang katauhan ng Panginoon sa gitna nang paraiso. At sinimulan naman ni Kuba ang paghahakot ng mga ginto. Hindi niya dinala ng buo ang mga ginto sapagkat napakarami nito at parang hindi na mauubos kailan man. Siya lang ang nakakaalam sa lugar na iyon at pumupunta siya roon kung nangangailangan siya ng ginto.
Nagdaan ang panahon at yumaman si Kuba Karitong. Nagpatayo siya ng isang napakalaking mansyon at nahirang rin siyang gobernador sa kaharian na katumbas rin sa isang landlord. Naging malaki ang respeto ng mga tao pati na ang mga mayayaman kay Kuba dahil sa yaman nito. Naging kanang kamay rin siya ng Hari.
Gayunpaman, hindi na siya naging alipin ng mga mayayaman, ngunit talagang ipinakita niya ang kahinaan ng tao-- nagdaan ang panahon at siya'y naging mapagmataas at mapang-api sa mga mahihirap katulad na rin ng ginawa ng mga mayayaman sa kanya noon. Naging sakim siya sa kayamanan. Sa pagkakataong iyon ay nakalimutan na niya ang habilin sa kanya ng Panginoon dahil na rin sa kanyang angking yaman.
Patuloy siyang naging sakim sa yaman at nagplano siyang maging hari sa kanilang kaharian. Pinagkasundo niya ang mga mayayaman na kung sino ang papanig sa kanya ay bibigyan niya ng napakaraming kayamanan. Sa gayon, walang alinlangang pumayag ang mga buwayang mayayaman sa kanyang alok. Ipinapatay niya ang kanilang hari at siya ang humalili sa trono nito.
Ang malala pa ay nagplano rin si Kuba na siya na ang ituring na Panginoon ng mga tao sa kanyang kaharian. Sumunod naman ang kanyang mga tauhan at siya ay tinanghalang kanilang Panginoon.
Talagang napakataas na ang naabot ni Kuba ngunit hindi niya natupad ang kasunduuan nila ng Panginoon. Dahil dito, nagalit ang Panginoon ng Araw at nagpasya Siyang parusahan si Kuba. Lumitaw ang isang umuugong na tinig at nagdulot ito ng lindol sa kaharian. Nagising si Kuba at nasindak siya sapagkat kaharap na naman niya ang Panginoon. Hindi na nagliwanag ang mukha ng Panginoon dahil galit na galit ito.
"Kuba, hindi ka tumupad sa ating usapan at dahil diyan ay paparusahan kita," isang napakalaking tinig na umabot hanggang sa dulong teritoryo ng kaharian.
Itinaas ng Panginoon ang kanyang mahiwagang tungkod at itinuro niya sa mga kayamanan ni Kuba at naging papel ang mga ito. Nagalit si Kuba dahil sa nangyari at nagtangka siyang labanan ang Panginoon. Binunot niya ang kanyang malaking espada at sumugod ito ngunit siya'y natusok sa matalim na tungkod nito. Namatay si Kuba kasama nang pagkamatay ng kanyang mga kayamanan na hindi naman niya pag-aari. Duguan siya at nakahiga sa mga papel. Dumating ang mga tauhan ni Kuba ngunit wala ng buhay ito. Pinaaalahanan ng Panginoon ang mga tao na walang ibang hari kundi siya lamang. "Kung sinumang gustong matulad kay Kuba ay matutukso sa mga papel na ito," paalala ng Panginoon. Sa pagkakataong iyon ay isinumpa ng Panginoon na talagang matutukso ang isang tao sa mga kayamanang ginawang papel kung siya ay sakim sa kayamanan.
Inilibing ng mga tao ang bangkay ni Kuba Karitong. Plano na sanang linisin ng mga tauhan sa palasyo ang mga papel na nagkalat sa paligid nito ngunit nagkaroon ng kunting gulo sapagkat ang ibang mga tao ay nagbabalak na angkinin ang mga papel. Dahil sa pangyayari ay nahati ang kaharian sa dalawang grupo. Nagbalak silang magsagupa at kung sino man ang mananalo ay siyang aangkin sa mga papel. At nagkaroon nga ng gyera. Ang isang grupo ay nagwagi ngunit napakaraming buhay ang nasawi. Pinaghahatian ng grupo ang mga papel at sila'y nagsimula ng bagong buhay. Ginawa nila ang mga papel na pambili ng isang bagay na kanilang gusto. Umusbong ang pakikipagpalitan at umikot na ang papel sa kaharian. Dahil sa papel na ito, nakakabili ang mga lalaki ng mga babaeng prostitute ( na nahahalina rin sa papel dahil para itong ginto sa paningin nila). Naging matiwasay ang buhay ng bagong kaharian hanggang sa dumating ang isang kalunos-lunos na dilobyo. Umulan ng malakas at walang tigil hanggang sa nagkaroon ng napakalaking baha. Nawasak ang lahat ng mga ari-arian ng mga tao sa kaharian. Wala ni isang nilalang na natira sa baha maliban lamang sa mga papel na kahit basa na ay buong-buo pa rin.
Paglipas ng panahon ay nananatili pa rin ang mga papel. Mayroong dumating na grupo ng mga tao sa lugar. Pagkakita nila sa mga papel ay parang kumikinang ang mga ito sa kanilang mga mata. Pinulot nila ang mga ito sapagkat sa tingin nila ito ay mga ginto. Katulad ng dati, naging pambili rin ng isang bagay ang naging role ng mga papel. Nagpatuloy itong dumaloy sa mga kamay ng mga tao hanggang sa ito'y naging isang napakahalagang bagay para matustusan ang ekonomiya na umusbong simula noon. Hanggang ngayon ay nananatili pa rin ang mga papel na ito at hawak ito sa mga kamay ng lahat ng mga tao pati na ang mga bumabasa sa alamat na ito. Patuloy itong nanghahalina ng mga taong nilalang na bound to be weak.
No comments:
Post a Comment