Monday, June 6, 2011

Panitikang Pinoy: Mula sa isang Kubo

ni Teo S. Baylen


Diyos, loobin Mong ang palad ko’t bisig
Ay maging lipakin sa linang ng bukid,
Nang upang mabuhay na walang ligalig---
Kami, na sa iyo ay may pananalig.

Ang aking kabiyak ay gawing lagi na,
Na tulad ng isang umagang maaya;
Ilayo Mo kami sa dayang ligaya,
Nang hindi mansag ang aming panata!

Mata ko’y ipinid nang hindi silawin
Ng pilak na hindi sa pawis ko galing;
Sa karalitaa’y natutuhan namin
Sagana ang buhay kung Ikaw’y kapiling!

Ang pulubing masok sa hapay kong kubo,
Sa sampinggang kanin nawa’y mapasalo;
Mabusog ang isang dukhang napatao
Ay kaligayahan niyang sumaklolo!

Ilayo Mo ako sa mga alitan,
Mahigang kasiping ay katahimikan;
Matulog na walang banta’t agam-agam
At walang patalim na kipkip sa unan!

Liwanagan Mo po ang hungkag kong diwa,
Nang di pamugaran ng imbing akala;
Totoo’t sa buti ang puso’y may nasa,

Nguni, ang katawa’y marupok na lupa!

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...