Diyos --- kawangis mo, nguni, di ka Diyos,
talos mong di lahat... iyong natatalos;
pakatalastasin
at dapat alamin ---
alabok ka lamang, kaya’t sa alabok...
magpakatampok ma’y diyan ka lang tampok.
Hubad kang sa lupa’y sumulpot na hubad,
ganap na hubo ka’t kahubarang ganap;
dapat mong mabatid,
dito sa daigdig...
likas na dahop ka, sa hina ay likas,
kaya’t lumipad ma’y di makalilipad.
Nilikha ka --- hindi upang sa Lumikha,
gumawa’t lampas an ang Kanyang ginawa;
makahapo’t ngayon
at habang panahon,
ang sumpa ng langit ay batas na sumpa
ang masamang pita ay mapapasama....!
Ang kaiyuhan mo’y tanging kaiyuhan,
kinapal sa iyo ng Poong Maykapal;
kahi pa ang mundo,
maging iyung-iyo...
ang kaalaman mo’y isang kaalaman
na sa takdang guhit ay may katakdaan.
Abutin mang pilit, di mo maaabot,
taluktok ng nasang lampas sa taluktok;
anupa’t alamin,
pakatalastasin...
alabok ka lamang at taong alabok,
kaya’t dumiyos ka sa tunay mong Diyos!
No comments:
Post a Comment