Sanaysay ni Francisco D. Abalos
Nagising ako sa mahimbing na pagkakatulog, isang tanghaling ako’y nagpapahinga, nang maramdaman kong may sumigid sa likod ng tainga kong kanan. Ang sigid na iyon na makalawang inulit ay totoong matindi. Sa una’y pumihit lamang ako sa pagkakahiga at nagtangkang ipagpatuloy ang aking pagtulog. Nguni’t sa ikalawa’y hindi na ako nakatiis. Idinilat ang namimigat na talukap ng aking mga mata na di pa nasisiyahan sa mahabang pagkakapikit, at ako’y nakiramdam.
Ang sigid ay naramdaman kong muli na lalong masidhi kaysa una na aking ikinapangawi nang bahagya. Mabilis na kumilos ang namamanhid kong kanang kamay at kinapa sa likod ng aking tainga ang nanigid na iyon. Sa kabutihang-palad ay natuunan ng daliri kong panggitna, at pinagtulungang kunin ng aking hinlalaki at hintuturo; saka siniyasat ng nangungutitap kong paningin. Isang munting kulisap na pula ang aking namasdan.
Ang munting kulisap na iyon ay kasinlaki ng malaking butil ng palay, at binubuo ng tatlong pangunahing bahagi. Ang una’y bilog na bilog at siyang pinakamalaki sa tatlo; ang ikalawa na siyang katawan ay haba, payat, at siyang pinakamaliit na bahagi naman; at ang hulihan ay hugis-puso at halos kasinlaki rin ng una.
Ang una, na siyang ulo ay walang tigil sa kagagalaw. Ang dalawang tila pangil na siyang pinaka-bibig ay tumitikom-bumuka, at nagpapakilalang ang munting kulisap na iyon ay galit. Ang dalawang tila balbas na marahil ay siyang pang-amoy o pandamdam, ay wala ring tigil at nagpapahiwatig na siya’y nag-iisip ng paraang makawala sa aking mga daliri. Ang hulihang hugis-puso ay nakaugnay sa katawan sa pamamagitan ng baywang na manipis pa kaysa kanyang liig. Nakapagtatakang ang munting kulisap na iyon ay nakakaya ng kaniyang anim na pang maliliit pa kaysa pinakamaliit na balahibo ng aking ilong. Ang kulisap na iyo’y siyang malimit maminsala sa akin; namumugad sa aking mga damit at aklat; namamahay sa suluk-sulok ng aking tahanan. Siya ang kulisap na nanigid sa likod ng aking tainga. Pinagmasdan ko muna siya sa kanyang pagpupumiglas. Pagkatapos...
“Walang-hiya ka, ha,”-- ang paungol kong wika. “Wala kang pinatatawad na lugar; walang kinaaalang-alanganan kahit sino; walang pinipiling panahon. Pati katahimikan ng isang taong nahihimbing sa kaniyang pagtulog ay iyong ginagambala. Pangahas at walang takot. Sa iyong kapangahasan ay naputol tuloy ang aking panaginip sa bahagi pa namang kapana-panabik at nakasisiya. Saan ko pa hahabulin ang panaginip na iyon? Mabuti kung iyo’y magbalik pang muli! Dahil sa ginawa mong iya’y dudurugin kita!”